Saturday, July 3, 2010

Zeus Salazar ukol sa umano'y Pag-iral ng "Imperyalismo" ng Tagalog

UNA

Higit sa 97% ng mga mamamayang Pilipino, mula sa lahat ng etnolingguwistikong grupo ay nakaiintindi ng P/filipino o Tagalog. Ito ang dahilan kung bakit mas laganap ang pelikulang Tagalog kaysa sa nasa Ingles. Dulot nito ang popularidad nina Erap at ng yumaong si FPJ, at ilan pa ring mga artista, kasama na si Nora Aunor at Vilma Santos, sa buong Pilipinas. Ang pagiging laganap ng P/filipino o Tagalog ay ang dahilan din kung bakit nasa wikang ito ang doktrina ng tatlong pinakaimportanteng samahang panrelihiyon na nagmula sa atin -- i.e., Iglesia ni Cristo, Dating Daan at El Shaddai. Internasyonal na ang tatlong ito at ang kani-kanilang kasapian ay bahagi ng diasporang Pilipino, diasporang sa karamihan ay mula sa "masa" o Bayan at ang wika ay Tagalog o P/filipino. Sa kaso ng Iglesia, ang mga convert na banyaga na gustong maging ministro ng simbahang ito ay dapat matuto ng wika ng doktrina -- i.e., ang P/filipino o Tagalog. Ang "ilan" sa mga miyembro ng mga grupong etnolingguwistikong grupo na hindi nagbabasa ng Tagalog o P/filipino ay yaong mga Inglesero mula sa mga grupong ito. Nasa napakaliit na minoridad sila sa loob ng kani-kanilang grupo. Ang nakararami ay mas nagbabasa sa wikang Tagalog o P/filipino, bibliya man ang pag-uusapan o komiks at peryodiko. Tungkol sa peryodiko, mas kakaunti ang mga nasa wikang Ingles ngayon. Ang nakararami ay mga tabloid at ito ang binabasa ng masa. Ang tinutukoy na "mas bihasa pa sa ibang wika" ay tiyak na mga Inglesero dahil ang galing sa mabababang uri, tulad halimbawa ni Manny Pacquiao at ang kanyang nanay, ay mas bihasa sa Tagalog. Maaaring sa kasalukuyan ay mas marami ang nagbabasa ng kasaysayan sa wikang Ingles (HINDI SA ALINMANG WIKANG ETNOLINGGUWISTIKO). Kasalanan ito ng sistema ng edukasyon. Ngunit nagbabago na ito. Dumarami na ang mga librong pangkasaysayan sa P/filipino. Isa nang ambag sa pagdaming ito ang aming bagong libro nina Atoy Navarro, ang ASYA. KASAYSAYAN AT KABIHASNAN. Matagal nang patakaran ng DepEd na lahat ng mga asignatura sa kasaysayan at araling panlipunan ay dapat ituro sa P/filipino. Dulot nito marami nang aklat sa mga asignaturang ito sa wikang pambansa. May kilusan na ngayon na hinihiling na pati na ang mga asignatura sa agham at ituro sa P/filipino. MARAMI NA RING MGA AKLAT ANG NAILATHALA NG UNIBERSIDAD NG PILIPINAS SA MGA ASIGNATURANG ITO SA P/FILIPINO.

Hinggil naman sa librong pangkasaysayan sa mga paaralan, pribado man o publiko, nabanggit ko na na patakaran ang pagtuturo at samakatuwid ang pagbabasa ng kasaysayan (at mga agham panlipunan) sa wikang pambansa. Sa labas ng paaralan, totoo na hindi pa laganap ang pagbabasa ng mga kasaysayan sa wikang P/filipino. Isang dahilan nito ay ang kahirapan ng nakararami. Ngunit dapat ding salungguhitan na hindi rin nagbabasa ang nakararami sa ibang wika, laluna sa Ingles. Ang nagbabasa lamang sa wikang Ingles ay yaong "edukado" at may pera. At ang mga ito ang nasusuong sa alyenasyong kultural at nagkakaroon ng ideya na "the only English speaking country" ang Pilipinas sa buong Asya (nakakaligtaan kasi ang India at isinasama sa istatistiks ang masang hindi marunong mag-Ingles at yaon ding mga "edukado" na hindi sapat ang pagkagagap sa Ingles). Tungkol sa pagiging praktikal ng paggamit ng wikang pambansa hindi lamang sa kasaysayan kundi sa iba pang mga disiplina at sa buong buhay at kabuhayan ng mga Pilipino, matagal nang napatunayan ito ng mga pag-aaral. Sa kumparatibong paraan, nakita na ito ng marami na mas umuunlad ang mga bansang may iisang wikang pambansa at pang-edukasyon.

Sa ikatlong parapo, ang Ingles nga ang naging pinakaimportanteng sanhi ng pagkakahati ng Kapilipinuhan na, tulad ng naiulat mo siguro sa klase, ay nagsimula sa dalawang direksyon ng pagbubuo ng bansa noong ika-19 na dantaon. Ibig sabihin isang sangkap ang Ingles (na taglay ng imperyalismong Amerikano) ng Dambuhalang Pagkakahating Pangkalinangan (cf. Wika ng Himagsikan, Lengguwahe ng Rebolusyon) na isang manipestasyon at produkto ay ang iyong guro. Ang Ingles ay ang language lamang na nilipatan ng mga elit na nahirati muna sa lengguwaheng Kastila bunga ng kanilang pagkahiwalay sa Bayan.

PANGALAWA

Tulad ng pinatutunayan ng Ilonggong si Vic Villan ngayon sa kanyang disertasyon sa wikang Filipino, ang katotohanang mga puwersang Bisaya ang siyang nagkolonisa sa Maynila kasama ang mga Kastila sa pamumuno nina Goiti (at Legazpi). Karamihan sa mga conquistadores na Bisaya ay nanatili sa Maynila at naging panginoon ng mga Tagalog at Kapampangan na nagapi sa labanan ng Bangkusay. Ngunit dahil kakaunti lamang sila at dahil din sa napakalapit ng mga wikang Bisaya sa Tagalog [lahat, kasama ang Bikol, Kapampangan, Tausug, Sulod at iba't ibang wikang "Agta" o "Aeta", ay bumubuo ng "central Philippine languages" na sinasalita ng halos 70% ng mga Pilipino] napilitan silang magTagalog — ibig sabihin, naging “Tagalog.” Simula ito ng paglaganap ng Tagalog noong "panahong kolonyal".


Sa katunayan, ang Maynila ay naging lunsaran sa pangingibayong-dagat ng mga Pilipino mula sa iba't ibang bahagi ng kapuluan at, mangyari pa, natuto sila ng Tagalog bago makipagsapalaran sa labas. Samakatuwid, ang mga migrante noong "panahong Kastila" ay "naging Tagalog" (i.e., natutong magsalita ng Tagalog) bago nila lisanin ang Maynila. Tagalog ang naging wika ng mga Pilipinong nasangkot sa, o gumamit ng, Kalakalang Galyon. Isa o dalawang beses lang bawat taon nagbibiyahe ang galyon sa buong panahon ng Kalakalang Galyon. Kahit na si Pedro Calungsod ay "nagdaan" sa Katagalugan bago niya samahan si Padre Sanvictores patungong Marianas. Ang mga katagang "Pilipino" na hiram sa Chamorro karamihan ay Tagalog habang ang mga Pinoy roon ay halos lahat ay galing sa Kabisayaan, sa simpleng dahilan na nakapaloob ang Marianas sa diosesis ng Cebu. Noong panahon ng paghahanda sa Himagsikan 1896 mga Ilonggong galing sa pagtratrabo sa Australya ang nagbigay ng pera kina Bonifacio upang makabili ng imprenta ang Katipunan. Mangyari pa, ang wika nila ay Tagalog.


Sa kasalukuyan, ang karamihan sa mga nakatira sa Kamaynilaan ay hindi "Tagalog" kundi mga Pilipino mula sa iba't ibang dako ng Pilipinas, higit sa lahat sa Kabisayaan at Mindanaw. Ang karamihan din sa mga nakahawak ng kapangyarihan sa kasalukuyang estadong Inglesero ay hindi mula o ipinanganak sa Maynila (cf. Arsenio Lacson, Arzobispo Cardinal Sin, ang kinatawan ng Paranaque na si Roilo [i.e., Romblon, Iloilo] Golez, etc., etc.). Kung may "imperyalismo" man na nagmumulang Maynila, "imperyalismo" ito ng mga Pilipino mula sa mataas na uri (burgis o Inglesero). Sa katunayan, ang ideya ng "imperyalismo ng Maynila" ay nakapaloob sa isang ideolohiyang mapangwasak-sa-bansa, mula man ito sa mga "imperyalista"/ "globalistang" kapangyarihan o Pilipinong kaalyado/kapanalig ng (isa sa) mga ito, sa pulitika o ideolohiya man o sa mga hangaring pang-akademya o sa kombinasyon ng dalawa. Sa katunayan, ang mga pulitiko na "sumasakop" sa buong Pilipinas sa karamihan ay di naman Tagalog; napakamarami ay Bisaya, nakatira lang sila sa Maynila, bukod sa may bahay o mansyon sa kani-kanilang pinagmulang lugar at "seat of power" AT SAAN MAN SA ESTADOS UNIDOS (O SA IBANG DAKO NG DAIGDIG NA ANGLO-AMERIKANO O KAALYADO) KUNG SAAN PINAGHAHANDAAN NILANG MAGRETIRO PAGKATAPOS.

Identidad at Diskurso: Ang Nagpapaliwanag at Pinaliliwanagang Iba

Sa pagbubuo ng identidad, mahalagang bigyang pansin ang mga sinasabi o katangiang itinatakda sa atin ng iba, at tawagin natin ito bilang identidad-mula-sa-Iba. Malinaw na ang kabuuang binibigyang katangian at/o pagkakakilanlan/kakanyahan ay isang kolektibong obhetong humaharap o nasa ilalim ng tingin at pagmamasid ng iba, at ang salalayan ng mga itinatakdang identidad ay ang kategoryang nakaugat sa lengguwahe-kultura ng nagtatakda.
Mula rito, mababanaag ang konsekwensya na ang itinatakdang identidad ay maaaring hindi ‘tumpak’ at samakatuwid ay taliwas sa pinaniniwalaan ng kabuuang pinagtatakdaan. Ang ‘katumpakan’ na binabanggit dito ay nakabatay sa kung ano nga ang iniisip at pinaninindigan ng isang kabuuang pangkalinangan na pagkakakilanlan/kakanyahan nito. Ang katumpakan ng itinatakdang identidad ay nakadepende sa pagkasapul nito sa kung ano naman ang iginigiit ng isang pangkat, lipunan, o kalinangan.
Alam na natin mula sa kasaysayan na ang pagtatakda ng identidad ay naging instrumento upang palawigin ang proyektong mapanakop ng mga kolonyalista’t imperyalista, kung hindi man upang isalehitimo ang pananakop at kalaunan ay ‘pagsasasibilisado’ ng mga pagano at umano’y barbaro, na dapat pang ipagpasalamat ng huli. Ginamit ito upang ikondisyon ang ulirat at kamalayan nang sa gayon ay mapigilan ang pag-aaklas o tuluyang paghihimagsik ng katawan ng mga sakop.
Sa puntong hindi sumasang-ayon ang isang pangkat, lipunan, o kalinangan sa mga itinatakdang katangian at/o identidad, mas nagiging aktibo ang Pangkaming identidad. Sa kondisyong ito, layon ng Pangkaming identidad na ipaliwanag sa iba ang pagkakakilanlan/kakanyahang iniisip, maaari ring inaakala lamang, at pinaninindigan na taal at katanggap-tanggap sa isang kabuuang pangkalinangan.
Ang buod ng Pangkaming identidad ay ganito: ang paglalahad sa iba o labas ng mga katangian at kakanyahang taal o naroon na (maaari ring hindi) sa pangkat, lipunan, o kalinangang kinabibilangan ng naglalahad.
Maipapahayag ang Pangkaming identidad sa mga modang pagiit at patanggi, ngunit kapwa ay nakapaloob sa isang mas malawak na modang reaktibo. Dahil sa katotohanang ang layunin ng PkI ay iharap at ipaliwanag ang kolektibong sarili sa iba, malaon nang gumagamit ang naglalahad ng mga kategorya’t pagpapakahulugang napulot sa lengguwahe-kultura ng pinaliliwanagang Iba.

Zeus Salazar hinggil sa Pagiging Pragmatiko ng Pantayong Pananaw

Ang pahayag/palagay niya (tumutukoy kay Prop. McDonald Domingo Pascual) ay isang negasyon o sa pormang "hindi" -- i.e., "hindi pragmatiko ang PP". Ang ibig sabihin niya ay may kasaysayang "pragmatiko". Sana ipinaliwanag niya muna kung ano ang pagkaunawa niya sa katagang "pragmatiko" dahil isa itong adhetibo lamang na tumutukoy sa isang pananaw rin -- i.e.ang pragmatismo. Sa katunayan, isang pilosopiya ang pragmatismo. Maganda sana kung maipaliwanag niya kung paano siya makahuhugot ng kasaysayan [o simpleng "history" o "historia" lamang na siguro ay mas gagap niya bilang konsepto], laluna ng kasaysayan ng Kapilipinuhan. Kung magagawa niya ito, baka makalikha pa siya ng isang bagong bahagi ng pilosopiya ng kasaysayan -- i.e., ang "pragmatikong kasaysayan" o "pilosopiyang pragmatiko ng Kasaysayan". Hindi ko sinasabi na sa pamamagitan niyan ay maipaliliwanag niya ang nakaraan ng Kapilipinuhan mula sa mga unang tao rito sa kapuluan at laluna sa mga Austronesyano hanggang sa nabanggit mong krisis ng ating lipunan at kasaysayan noong ika-19 na dantaon na nagbigay-daan sa direksyong elitista nina Rizal at sa adhikain nina Bonifacio at lampas pa rito hanggang sa kasalukuyang Dambuhalang Pagkakahating Pangkalinangan.

[Maganda siguro kung ipinaliwanag muna ng iyong titser ang tatlong pinakaimportanteng pilosopo ng "pragmatismo" na sina C.S. Peirce sa lohika, William James sa sikolohiya (partikular sa karanasan ng pananampalataya) at John Dewey (sa edukasyon). Lahat ay tumutukoy sa maaaring maging praktikal na resulta o kalalabasan/kinalabasan ng gawain -- i.e., sa pag-iisip, ang pag-alam/pagkaalam sa maaaring maging mga epekto ng ating pagdadalumat (conception) ay siya na ring kabuuan ng ating pagdadalumat ng pinapaksa/obheto (object); sa relihiyon at iba pang pagsisikap ng tao, "nagiging totoo lamang ang mga ideya kapag nakatutulong ang mga ito sa atin upang mabigyan tayo ng pagkakataong magkaroon ng mabisang ugnayan sa iba pang bahagi ng ating karanasan"; at sa "instrumentalismo" ni Dewey, ang pangangatuwiran at ang pag-uusisa o pag-alam (inquiry), bukod sa mahigpit na paggamit ng lohika, ay itinutuon sa "mga bagay/kalakal at pinapahalagahang kasiyahan" (goods ang valued satisfactions)].


Sayang at hindi niya muna inanalisa ang Pantayong Pananaw at ang Bagong Kasaysayan na lumitaw mula rito. Iyan ay isang gawain ng isang tunay na Propesor. Kung nagbigay siya ng katiting man lamang ng pagsusuri ng PP at BAKAS, baka nagkaroon siya ng kaunting kaliwanagan [marami nang sulatin at libro na dapat basahin tungkol dito na sana'y nabigyan niya ng kaunting panahon, dahil gawain ito ng isang tunay na guro] at nabigyan din niya ng liwanag ang kanyang mga mag-aaral kahit na sa pragmatismo bilang pilosopiya at posibleng batayan ng pagsasakasaysayan, isang gawaing kapanagutan ng isang nagtuturo sa alinmang unibersidad.

Nasaan sa lahat ng iyan ang "hindi pragmatiko" sa PP at Bagong Kasaysayan. Wala bang lohika ang pag-alam/pagsusuri/pag-uusisa? Ginawa/ginagawa ba ito na hindi inaalintana ang maaaring kalalabasan ng pagdadalumat? Mahaba ang maaaring diskusyon tungkol dito. Ang pinakaimportante ay mayroon bang halimbawa ang titser mo ng isang "kasaysayang pragmatiko"? Maipaliliwanag niya ba ang kanyang halimbawa ayon sa mga ideya nina Peirce, James at Dewey?

Kung sa bagay, hindi naman kailangang maging bahagi ng Pragmatismo ang PP at BAKAS. Pilipino ito habang ang pragmatismo ay Amerikano. Inilahad ko lang ang nasa sinundan nitong parapo upang ipakita na hindi siguro ginampanan ng iyong titser ang kanyang kapanagutan bilang titser. Reaksyon din iyon sa tila pagsasawalang-katuturan ng ating pagsisikap.

Bakit ako Pantayo?

Sa paghahangad ko nga ng kagalingan nitong maysakit na Bayan, na siya ring ikagagaling ng mga mamamayan, ay minarapat kong gagapin ang Pantayong Pananaw.

Sa mga nakalipas na panahon, pinagsikapan ng ilang pantas ang pag-alam sa mga kaalaman at kaisipan na iniluwal ng mga kabihasnan sa Kanluran, sa pag-asang ang idudulot nito ay kagalingan sa naghihingalong Bayan.

Oo nga't kahit papaano'y naibsan ang paghihirap nito, ngunit ang kaibuturan ng suliranin at ng paghihirap ay nananatili. Handa sa anumang panahon na tuluyang kitlin ang Ina na sa atin ay nagbigay buhay.

Ngunit bakit nila pinagtatawanan ang dakilang hangarin na ito? Sila na tuluyan ng naangkin ang ulirat at paggawa ng 'sangkatalinuhan' ng Kanluran. Ngunit, sa marubdob kong pagnanais na tuparin ang mga hangarin at layunin ng Pantayong Pananaw, ay ikinibit-balikat na lamang ang pagtahol ng mga mapanuligsa.

Hindi na kailangan ng Bayan na iharap pa sa 'hagdanan ng Templo' upang siya'y gumaling. Sa loob nito'y naroon ang lunas. At ito ang pinagsusumikapan ng Pantayong Pananaw na maibahagi sa sangkapilipinuhan.