Saturday, August 27, 2011

WIKA, PAGKAKAKILANLAN, AT SI JOSE RIZAL

Mahirap mapag-ugnay si Jose Rizal at ang wikang Filipino dulot na rin ng katotohanang karamihan sa mga panitikang sinulat niya ay nasa wikang Kastila.
Gayumpaman, sisikaping hawanin ang landas tungo sa pagbabalintuna sa nabanggit na kahirapan. Uunahing talakayin ang pagkapasok ng Pilipinas sa kaayusang kolonyal na nagdulot ng suliranin sa pagkakakilanlan ng mga Pilipino. Pangalawa, ang kapuna-punang panunumbalik ni Rizal sa kabihasnang Pilipino simula noong 1889. Pangatlo, ang pananaw ni Rizal sa wika at pagkakakilanlan.

ANG PILIPINAS SA IKALABINSIYAM NA SIGLO

Ang ikalabinpito at ikalabinwalong dantaong ay nakasaksi sa pagbagsak ng noon ay lumalagong pamayanang Pilipino na patungo sa pagkabuo ng isang Bansa, ng mga maliliit na pag-aaklas ng mga katutubo laban sa bagong kaayusan at pananampalataya. Nasaksihan ng mga dantaunang ito ang paghihirap ng mga katutubo upang makaayon sa bagong istrukturang panlipunan na itinaguyod ng Espanya sa kapuluan. Ang ikalabinsiyam na dantaon naman ang saksi sa pag-usbong ng kamalayang mapagpalaya ng mga Pilipino laban sa mga mananakop na magdudulot sa isang himagsikan na layong buuin rin ang isang Bansa.
Noong 1810, naging matagumpay ang mga liberal sa Espanya na mapaalis ang mga conservativo at si Reyna Isabella II sa trono. Isa sa mga kinalabasan nito ay ang pagkakaroon ng representayon ng Pilipinas sa Cortes (bagamat sa loob ng maiksing panahon lamang) sa kauna-unahang pagkakataon. Nagkaroon ng pagbabagong panlipunan nang lumahok ang Pilipinas sa kalakalang pandaigdig noong 1841, kung saan nagkaroon ng mahigit tatlumpu’t-siyam na mga establisimyentong pangnegosyo sa buong kapuluan. Nakadagdag pa rito ang pagtaas sa pagluwas ng mga pangunahing produktong inaani tulad ng asukal, abaka, niyog, tabako, at kape.
Naging matunog sa Espanya ang kaunlarang tinamasa ng kolonya, kaya naman ang Ginintuang Panahon sa ekonomiya ng Pilipinas ang nagtulak sa ilang Peninsulares na pumunta sa kapuluan. Masasabing ang pagdagsa ng mga Peninsulares, ang iba naman ay takas mulang Mehiko dulot ng paglaya nitosa Espanya, ay naging suliranin para sa mga kreolyo sa Pilipinas. Ito aysa kadahilanang naging kalaban nila ang mga ito sa paghangad sa puwesto sa pamahalaang kolonyal, at sa kaparian na rin.
Ang pagbukas din ng Kanal ng Suez, na nagdulot ng pag-ikli ng ruta at biyahe mula Europa patungong Pilipinas, ay nagbunsod ng pagdagsa ng mga migranteng Kastila at iba pang mga dayuhansa kapuluan. Dulot nito, mas dumami pa ang mga dayuhan na nakasalamuha ng mga Pilipino na mayroong kaisipang liberal, at pagkakilala sa mga aklat na naglalaman ng mga kaisipang niluwal ng Kaliwanagan sa Europa.
Nang magbalik ang mga Heswita noong kalagitnaan ng ika-labinsiyam nadantaon, naging protesta ng mga paring sekular ang pag-agaw mula sa kanila ng mga parokya. Lalo pang naging pasakit sa mga paring sekular ang pagbabalik sa kapangyarihan ng mga conservativo sa Espanya, kasabay rin naman nito ang mga bagong patakaran sa kolonya nitong Pilipinas. Maliban rito, kinabaka din ng mga militanteng kreolyo at ng mga inanak nilang Ilustrado ang chauvinismo na ipinamalas ng karamihan sa mga prayle. Pinasidhi ng antiklerikalismo sa Espanya at pagbaba ng respeto sa mga ordeng panrelihiyon ang kanilang chauvinismo. Habang humihina ang kapanyarihan ng kaparian sa Espanya, siya namang kabaliktaran sa Pilipinas. Ang mga prayle ay inasahang magpatuloy ng soberanya at misyon ng Espanya sa kapuluan.
Noong 1872, nagkaroon ng pag-aaklas sa Cavite kasunod ng protesta ng ilang manggagawalabanpagpataw muli ng tributo na nauna ng inalis noong panahon ni Gobernador-Heneral de la Torre. Pinaratangan ang mga paring GomBurZa bilang utak sa naganap na pag-aaklas sa Cavite, dahilan upang sila ay bitayin sa Bagumbayan. Maituturing na naging sanhi ng pag-usbong ng nasyonalismo, hindi naman tuluyang masasabi na nasyonalismo na rin ang ipinamalas ng tatlong paring martir ni ng mga personalidad bago sila. Ito ay sapagkat wala naman pagnanais na hanguin ang buong kapilipinuhan mula sa kaapihan. Tinugunan nila ang diskriminasyon ng mga paring regular laban sa mga paring secular at katutubo – mga pangkat na may pribilehiyo.
Ang kalagayang ekonomiko noong ikalabinsiyam na dantaon ay nagdulot ng maraming pagbabago sa populasyon, kaisipan, at istrukturang panlipunan. Bagamat hindi nabiyayaan ng mga adbentaheng dulot nito ang nakararami, ang pag-unlad sa ekonomiya ay nagbigay daan sa pag-usbong ng hangarin tungo sa kasarinlan at kalayaan. Ito ay sa pamamagitan ng pagsilang ng bagong uri sa lipunang kolonyal – ang media clase. Ang uring ito, dulot ng kontak sa mga ideya mula sa Kaliwanagan at sa tumataas na kapangyarihang ekonomiko, ang unang kumyestyon sa pang-aabuso ng pamahalaang kolonyal-Kastila.
Mula sa uring ito lumitaw ang mga kabataang naging tinig ng Pilipinas, dito sa kapuluan mismo at maging sa Europa. Wika ni Teodoro Agoncillo,



In all countries where society is dominated by an economically superior group, the movement for reforms toward the improvement of the political, social, and economical status of the people is always initiated by the middle class, more particularly by the intellectual segment.

Ang mga kabataang ito ay siyang magpapatuloy ng nasimulan ng mga paring sekular. Naging banta sa institusyong panrelihiyon ang mga pamumuna ng mga Ilustradong ito sa impluwensyang pulitikal at kayamanan ng kaparian. Ang konsentrasyon ng impluwensyang ito ang binatikos at ninais lansagin ng mga repormista at separatista ng ikalabinsiyam na dantaon.
Umunlad nga ang pakikitunggali ng mga kreolyo sa mga Peninsular tungo sa paghahangad ng mga Ilustrado ng asimilasyon at tuluyang pagbalikwas ng Pilipinas mula sa Espanya (sa kaso ni Rizal, mahihinuha ang ganitong pagnanais sa mga panahong isinusulat niya ang El Filibusterismo).


PAGKALAYO SA BAYAN
Ang Divide et Impera ang naging pangunahing instrumento ng mga mananakop na Kastila upang maiwasan ang pag-iisa ng mga sinaunang Pilipino na kabakahin ang Espanya. Mula rito, masasabing pinahinto ng naturang istratehiya ang umuusbong noon, bago at sa pagsisimula ng Conquista, na ugnayan sa pagitan ng iba’t-ibang etnolinggwistikong pangkat sa kapuluan na sana ay magbubunsod sa pag-iisa o pagbubuo ng isang bansa.
Sa tuluyang pagkolonisa sa Pilipinas, kailangan maipasok ang kristiyanismo. Sa pagsasakatuparan nito, wika ang naging pangunahing kasangkapan. Kaugnay nito, ang mga ladino ay nagkaroon ng malapit napakikiugnay at pakikipagtulungan sa mga kolonisador. Naging abala sa gawaing akulturatibo, sila ay responsible sa pagpasok ng kulturang Kastila sa buhay ng mga sinaunang Pilipino sa pamamagitan ng pagsasaindinihe at pagsasalin ng mga konsepto at gawang Kastila sa iba’t-ibang vernacular; at pagsasalin din ng mga konsepto mula sa loob ng kalinangang Pilipino sa Kastila.
Halimbawa nito, imbes na ituro ang ebanghelyo gamit ang wikang Kastila, itinuro ito sa vernacular. Sa simula, sa mga gawain kaugnay ng ebanghelisasyon lamang nagawi ang mga ladino. Subalit sa pagsisimula ng ikalabinwalong dantaon, unti-unting nakapasok ang mga ladino sa sistemang kolonyal partikular sa mga nakabababang posisyon sa burukrasya.
Sa pag-agos ng kasaysayan, ang mga ladino ay napalitan ng mga paring sekular. Ang mga ito ang nagmana ng pagsalin ng konseptong kanluran sa mga katutubo sa pamamagitan ng kanilang pagdaos ng mga misa sa simbahan, malaya nilang naipapaliwanag sa mga kristiyanong katutubo ang aral ng simbahan. Sila rin ang humalili sa mga ladinong may malapit na kaugnayan, bilang grupong panlipunan, sa mga kastila.
Nagpatuloy ang pagsulong ng mga ladino at paring sekular, at mula sa hanay nila lumitaw ang grupong panlipunan na tatawaging ilustrado. Sila ay ang mga ladinong pormal na nakapag-aral, at namulat sa tunay na daigdig, sa kalagayang panlipunan at pampulitika. Sila ay kinabibilangan ng mga indio, mestisong Pilipino-Sangley, at mestisong Pilipino-Kastila, nasamahan na rin ng mga creole.
Ang pagbabagong kultural nitong kalagitnaan ng ikalabinsiyam na siglo ay masasabing isang mahalagang salik sa pag-usbong ng nasyonalismo mula sa hanay ng mga ilustrado. Ito ang panahon kung saan padami nang padami ang mga Ilustradong nakakapag-aral sa mga unbersidad at kolehiyo dito sa Pilipinas, at maging sa Europa. Ang edukasyon na kanilang natamasa ang naging daan para sa unti-unting pagkabuwag ng pamahalaang kolonyal.
Sinikap ng mga ito na isatinig ang hinaing ng mga mamamayan sa kolonya. Itinatag ng mga ito ang La Propaganda, layon na maiparating sa Madre España ang hinanakit ng kanyang anak na Filipinas. Inunang atupagin ng mga ito ang pang-aabuso ng mga prayle, sila ang naging unang tampok ng pagpuna ng kilusang Propaganda sa pahayagan nitong La Solidaridad. Ang mga ito rin kasi ang unang nang-alipusta at nanlait sa mga Pilipino sa mga sulatin at aklat pangkasaysayan tungkol sa pagiging “barbaro” ng mga katutubo na kanilang tinuruan para maging “sibilisado”, halimbawa na lamang sa tala ni Fray Gaspar de San Agustin na Conquistas de las Islas Filipinas.
Bilang tugon sa mga aklat na ito, naging reaksyunaryo ang mga Ilustrado. Ito ay pangungunahan ni Rizal na sasagot sa mga panlalait ng mga Kastila tungkol sa pagkakakilanlan ng mga Pilipino. Dulot ng pagbabagong kultural, na ipinaliwanag ni Nick Joaquin, ang mga ilustrado ay naging matatas sa pakikipag-usap sa mga Kastila dahilan sa sila ay mayroon ng pinag-aralan.Hinanap nila ang pagkakakilanlang Pilipino upang pasinungalingan ang mga sinabi ng mga prayle (maging ng ilang Kastila). Sila ay yaong napawalay sa sariling kalinangan, subalit hindi tanggap sa mataas na baitang ng lipunang kolonyal, kahit ang kanilang kilos at pananalita ay Europeo na. Sa dakong huli, sila ay nagtangkang bumuo ng pagkakakilanlan batay sa paggigiit at pagtanggi sa itinakda at ipinukol ng mga mananakop. Dahilan sa hindi pagtanggap sa kanila ng mga Kastila, tatanggapin ang pagtakwil sa kanila ng mga ito at tatawagin ang kanilang sarili, kasama ang iba pang lahi ng indio, ng mga Filipino.
Ang naging tugon ng mga Ilustrado sa kalituhang ito ay ang paghahanap sa kasinuhan nila. Hindi ganap ang pagkakakilanlan ng isang pangkat, ito ay nagbabago kasabay ng pagbabago sa lipunan. Ang pag-unawa sapagkakakilanlan ay nangangailangan ng pag-unawa sa pagkakaiba ng anyo at layunin nito sa isang kabuuang pangkalinangan o lipunan, at paano ito nababago sa/ binabago ng takbo ng kasaysayan. Sa wari, ang pagkakakilanlan ay dinulot lamang ng mga panlabas na salik.
Gayumpaman, hindi tuluyang masasabi na tanging ang mga pangyayari o pagbabago sa lipunan ang nakapangyayari sa paglikha at/o pagkakaroon ng pagkakakilanlan. Maituturing ding salik, lalo na sa pagbuo ng pagkakakilanlan, ang pagsasalubong o pagsasalungatan ng mga pagkakakilanlang iginigiit ng isang pangkat sa sarili nito, at ang pagtatakda na nagmumula sa labas ng pangkat.
Ang pagkakakilanlan ay hindi lamang mga ‘tatak’ o ‘tanda’ na ipinataw ng Iba, ang mga ito ay pagkakakilanlan din na tinanggap, tinutulan, pinili, nilikha, tinanggihan, at ipinaglaban ng pangkat.
Sa katunayan, ipinahahayag sila na para bagang ito ay ganap at hindi nagbabago upang matiyak ang di-pagkalansag nito kung mayroon mang kukwestyon. Maibibigay na halimbawa nito ang paghango nina Rizal at delos Reyes sa kadakilaang Pilipino bago ang Conquista, na ang pagkakaroon ng sibilisasyon at relihiyon ng mga sinaunang Pilipino ay taal sa kalinangan, at hindi lamang idinulot ng pakikisalamuha sa mga dayuhan.
Sa puntong ito, mahalagang magkaroon ng maikling pagtalakay ukol sa sistemang pangedukasyon sa panahong kolonyal-Kastila. Bilang bahagi ng pagsasakanluran ng kaisipan nagkaroon ng dekrito si Carlos V na nagsasaad na ang mga kolonyang nasakop ay dapat matutunan ang wika ng kolonisador. Ang mga Espanyol na misyonaryo ang unang nagbigay ng pormal na edukasyon sa Pilipinas, at sila ang pumili sa ilang kabataan bilang bahagi ng pagsasakanluran ng kaisipan dahil sa paniniwala na ang mga kabataang ito ang magpapatuloy ng pagsasalin ng kaisipang Kanluranin at mga magiging tagasunod ng kaayusang kolonyal.
Kabi-kabila ang pagpapatayo ng mga paaralan sa Pilipinas bilang bahagi ng pagsasakanluran ng mga konseptong Pilipino. Ilan lamang sa mga halimbawa nito ay ang Colegio Maximo de san Ignacio na naitatag noong 1589 na kinalaunan ay naging isang unibersidad na tinawag na Kolehiyo ng San Ildefonso, Colegio de Niños noong 1596, ang Unibersidad ng Sto.Tomas noong 1620. Ang mga paaralang ito ay mayroong pagsasanay para sa pagiging pari, guro, at doktor. Ayon kay Schumacher, ang unang bahagi ng ikalabinsiyam na dantaon ay nagkaroon ng pag-angat sa uri ng edukasyon sa Pilipinas, may mga bagong maestrong nagturo,at nagkaroon din ng paglawak ng kurikulum sa mga kolehiyo tulad ng Letran at Ateneo Municipal. Ang kawalan naman ng kalayaang pang-akademiko ang nagtulak sa mga Ilustrado upang mag-aral sa labas ng kapuluan, particular sa Espanya.
Mas nakita at naranasan ng mga Ilustradong Pilipino ang depekto sa buhay pulitikal, sosyal at intelektwal sa Espanya. Nasanay na hirayahin ang Madre España bilang ideyal na lipunan, napagtanto nila na malayo ang agwat nito sa iba pang bansa sa Europa. Gawing halimbawa na lamang ang sistema ng edukasyon. Noong 1880, malaking bahagi ng populasyon ay hindi nakapag-aral, at ang kalidad ng pagtuturo at mga paaralang primarya at sekundarya.
Dalawang katunayan ang maaaring mahango mula sa impluwensya ng edukasyon sa pamumuhay at kamalayang Pilipino. Una, ito ay naging kasangkapan upang mas mapalawak o mas mapadali pa ang pananakop sa atin ng mga kastila. Bilang kinalabasan ng matagal na pagkababad ng mga Ilustrado sa edukasyong kolonyal, unti-unting nahiwalay sila sa ilang bahagi ng kalinangang Bayan, nagkaroon sila ng pilit-hinubog na pagkakakilanlan na maging sa ngayon ay makikita, tulad ng mga pangalang banyaga, halimbawa nito ang Rizal, Luna at Del Pilar. Maging ang sinaunang paraan ng pagsusulat ng Pilipino, ang baybayin, ay napalitan din ng alfabeto. Ang kasuotan na dati’y bahag ay kangan napalitan ng barong tagalog at camisa chino. Ang edukasyon ang nagsilbing kasangkapan upang maisakanluran ang katutubong kaisipan.Dahil ditto, sila ay nakararanas ng kalituhan sa kanilang pagkakakilanlan. Ayon kay Zeus Salazar, ang mga elit na ito na kumopya sa anumang mayroon ang mga mananakop ay nagkaroon ng cultural schizophrenia. Hindi nila alam kung paano haharapin ang kanilang pagiging katutubo at paano isasakaluluwa ang kinagisnang kalinangan.
Ang pagkailang at pagkalito na ito ang magdudulot ng lalong pagkakagulo ng pakikipag-ugnayan ng elit sa bayan. Sila ang mga taong laging naghahanap ng kanilang mga sarili.“Sino ba ako?”, “Ano ba tayo?”; “Ano at Sino ba ang mga Pilipino?”. Ito’y dahil hindi matibay ang pagkakaugat at pagkakaugnay ng kanilang pagkatao sa bayan, at dahil din sa sistema ng edukasyon na kanilang pinagdaanan. Hindi nila napagtibay ang kanilang kakanyahang bayan sapagkat namulat sila sa bagong kaayusang panlipunan.
Sa kontemporaryong panahon, mababanaag pa din ang mga Pilipinong dumaranas ng pagkalito sa kanilang kalinangan o yung mga taong nakararanas ng cultural schizophrenia Dahil na din sa maling uri ng paghuhubog na binanggit ni Renato Constatino. Ang edukasyon ay may isang malaking salik sa paghubog ng kamalayan ng tao. Ang edukasyon ay isang sandata sa kaunlarang ekonomiko, politikal, at kultural. Ngunit sa kaso ng Pilipinas ang edukasyon pa ang nagamit sa pagmamanipula at pagsasakanluran ng katutubong kaisipan. Sa madaling salita, ito pa ang nagamit upang maging akulturado ang karamihan sa mga Pilipino.
Mula sa nabanggit sa itaas ay mahihinuha ang pangalawang katunayan, ang edukasyon ay isa institusyon kinairalan ng akulturasyon. Ang akulturasyon ay isang espesyalisadong gamit upang maghiwalay ng kultura. Ang paghihiwalay na tinukoy ay pinakahulugan bilang “kalinangang tagumpay na naisalin” at ang Akulturasyon ay “proseso ng pagsasalin ng kalinangan”.
Ang gamit ng edukasyon lalo na ang binibigay na pagsasanay ng unibersidad ay upang umangat ang katayuan ng isang tao . Sa kabilang banda naman, edukasyon din ang naging tanggulan ng mga Ilustrado na kabakahin ang pamahalaan at ang mismong kaayusang kolonyal-Kastila. Bunga rin ng diskriminasyon ng mga mag-aaral at mga gurong Peninsulares sa mga criollo, mestizo, at indio, nagawang hirayahin ng mga ito ang isang komunidad na hiwalay sa komunidad na pinanatili ng kapangyarihang Kastila.

RIZAL AT PAGBABALIK-BAYAN

Bagamat nalayo si Rizal sa kalinangang bayan dulot na rin ng kanyang pagkalublob sa kultura at sibilisasyong Europeo, makikita sa kanyang mga aktibidad na mayroon siyang pagtatangkang magbalik-bayan – magbalik sa kalinangang bayan. Ito ay mahihinuha sa kanyang pagsasalin sa Tagalog ng Wilhelm Tell ni Friedrich Schiller noong ika-12 ng Oktubre 1886. Ilan pa sa mga naisalin niya ay ang limang kwentong pambata ni Hans Christian Andersen na inialay sa kanyang mga pamangkin. At noong Pebrero 1889 niya sinulatan sa sariling wika (mula sa London) ang kababaihan ng Malolos.
Isa pa ay ang pag-oorganisa ng isang Pandaigdigang Asosasyon ng mga Pilipinista sa Paris noong 1889. Nabigo siya sa pagtatangkang iyon. May tatlong bagong piryodisasyon ang ating kasaysayan sa inihandang palatuntunan ni Rizal sa eksposisyon ng Paris: I. Ang Pilipinas bago dumating ang mga Kastila (bago 1521); II. Mula sa pagdating ng mga Kastila hanggang sa pagkawala ng awtonomiya ng Pilipinas at sa pagkapasok nito sa Kabansaang Kastila (1521-1808); III. Mula sa pagkapasok ng Pilipinas sa Kabansaang Kastila hanggang sa pag-aalsa sa Cavite (1808-1972). Kasabay nito ay ang pagkatapos ng kanyang edisyon ng Sucesos de las Islas Filipinas ni Antonio de Morga. Ang edisyon ni Rizal ng Sucesos ay nilimbag sa Pransya. Ang prologue nito ay sinulat ni Blumentritt sa kahilingan na rin ni Rizal. Dito pinuri ng Aleman ang ilang bahagi ng iskolarsyip ni Dimasalang. Una, ang pagbanggit sa mga bagay na hindi nabigyan ng atensyon ng mga Europeo, mga bagong pananaw na nagbigay pagpahalaga sa mismong akda. Hindi rin nakawala, gayumpaman, sa pamumuna ang anotasyon ni Rizal. Una na rito ang pag-unawa di-umano ni Rizal sa mga pangyayari gamit ang mga pamantayan ng kanyang panahon; pangalawa, ang panlilibak niya sa simbahan ay hindi makatarungan at hindi mapatutunayan sapagkat ang mga pang-aabuso ng ilang prayle ay hindi nangangahulugan ng kasamaan ng kabuuan ng simbahan. Gayumpaman, wika pa ni Gregorio Zaide, ang buong anotasyon ni Rizal ay maituturing na kahanga-hangang bahagi ng historyograpiya.
Sa paunang salita, isa sa mga layuning ibinigay ni Rizal sa paglapat ng anotasyon ay ang “pukawin ang kamalayan hinggil sa nakaraan” ng mga Filipino. Ang layuning ito ay mahalaga sa pagpapalagay na upang makabuo ng pambansang pamayanan o pagkakakilanlan ay kailangan ang “pambansang tradisyon” na magsisilbing “bigkis”. Isa pang layunin ay ang paglansag sa ideya ng inferioridad ng mga Filipino. Napatunayan ni Rizal sa pamamagitan ng anotasyon at ng mismong Sucesos ang pagkakaroon ng sibilisasyon ng mga Filipino bago pa man dumating ang mga Kastila. Mayroon na silang sistema ng pagsulat, uri ng pamamahala, batas, pagsulat, literatura, relihiyon, sining, agham at pakikipagkalakalan sa mga kapit-bansa.
Sa opinyon ni Miguel de Unamuno, nais ni Rizal ang pagbabalik ng isang sibilisasyon Tagalog. Ang pagnanais na ito ay dinulot ng hangarin tungo sa patriyotismo at nasyonalismo. Isang puna naman ang binigay ni Jose Baron Fernandez kaugnay sa layunin ng paglalapat ng anotasyon sa Sucesos. Wika ng doktor, ang gawang ito ay dulot ng simbuyo ng idealismo sa panahon ni Rizal at paminsan-minsan ay lumabis sa totoong iskolarsyip.

ANG BISA NG WIKA

Ituon natin ang atensyon sa wika.
Ang pagbuo ng pagkakakilanlan ay kinasasangkutan din ng pagbuo ng isang anyo ng pagtingin sa daigdig. Kasabay nito ang pag-iral ng dalawang penomena. Una, ang isang partikular na identidad ay nagiging mahalaga. Nakatutulong ito upang bigyang halaga o anyo ang anumang ugnayan at/o pakikipag-ugnay sa loob ng isang komunidad. Halimbawa nito ay kung makikita ng isang pangkat-tao na sila'y ginagawan ng masama ng ibang grupo batay na rin sa identidad na nakikita o itinatakda sa kanila ng iba. Pangalawa, ang pagkakakilanlan ay nagdudulot ng pagpapakahulugan ng anumang bagay sa loob ng isang komunidad. Hindi lamang ito nagbibigay kabuluhan, kundi kahulugan din. Ito ay dahilan sa tinutukoy ng pagkakakilanlan ang kakaiba sa isang grupo mula sa iba.

Mainam na halimbawa sa nabanggit ay ang wika. Ang wika ayon kay Renato Constantino ay gamit sa prosesong pangkaisipan. Sa pamamagitan ng wika'y umuunlad ng kaisipan, at ang pag-unlad ng kaisipan ay magdudulot ng lalong pang pag-unlad ng kaisipan. Gayundin, ang pag-iisip ay nakaugat sa kalinangan ng mismong nag-iisip. Sa ganang ito, mabibigyang kahulugan ang wika bilang daluyan ng kalinangan. At bilang daluyan ng kalinangan, pinapahayag ng wika ang pagkakakilanlan. Ang wika din, sa kontekstong ito, ay pinagmumulan din ng mismong pagkakakilanlan.

Nabatid marahil ni Rizal na mahalaga ang wika sa pagbuo ng identidad. Mahihinuha ito sa isang tagpo sa El Filibusterismo na nagtatalo sina Simoun at Basilio hinggil sa hispanisasyon.





1 comment:

  1. ano ba ang epekto ni rizal sa identidad ng mga pilipino?

    ReplyDelete