Saturday, July 3, 2010

Zeus Salazar hinggil sa Pagiging Pragmatiko ng Pantayong Pananaw

Ang pahayag/palagay niya (tumutukoy kay Prop. McDonald Domingo Pascual) ay isang negasyon o sa pormang "hindi" -- i.e., "hindi pragmatiko ang PP". Ang ibig sabihin niya ay may kasaysayang "pragmatiko". Sana ipinaliwanag niya muna kung ano ang pagkaunawa niya sa katagang "pragmatiko" dahil isa itong adhetibo lamang na tumutukoy sa isang pananaw rin -- i.e.ang pragmatismo. Sa katunayan, isang pilosopiya ang pragmatismo. Maganda sana kung maipaliwanag niya kung paano siya makahuhugot ng kasaysayan [o simpleng "history" o "historia" lamang na siguro ay mas gagap niya bilang konsepto], laluna ng kasaysayan ng Kapilipinuhan. Kung magagawa niya ito, baka makalikha pa siya ng isang bagong bahagi ng pilosopiya ng kasaysayan -- i.e., ang "pragmatikong kasaysayan" o "pilosopiyang pragmatiko ng Kasaysayan". Hindi ko sinasabi na sa pamamagitan niyan ay maipaliliwanag niya ang nakaraan ng Kapilipinuhan mula sa mga unang tao rito sa kapuluan at laluna sa mga Austronesyano hanggang sa nabanggit mong krisis ng ating lipunan at kasaysayan noong ika-19 na dantaon na nagbigay-daan sa direksyong elitista nina Rizal at sa adhikain nina Bonifacio at lampas pa rito hanggang sa kasalukuyang Dambuhalang Pagkakahating Pangkalinangan.

[Maganda siguro kung ipinaliwanag muna ng iyong titser ang tatlong pinakaimportanteng pilosopo ng "pragmatismo" na sina C.S. Peirce sa lohika, William James sa sikolohiya (partikular sa karanasan ng pananampalataya) at John Dewey (sa edukasyon). Lahat ay tumutukoy sa maaaring maging praktikal na resulta o kalalabasan/kinalabasan ng gawain -- i.e., sa pag-iisip, ang pag-alam/pagkaalam sa maaaring maging mga epekto ng ating pagdadalumat (conception) ay siya na ring kabuuan ng ating pagdadalumat ng pinapaksa/obheto (object); sa relihiyon at iba pang pagsisikap ng tao, "nagiging totoo lamang ang mga ideya kapag nakatutulong ang mga ito sa atin upang mabigyan tayo ng pagkakataong magkaroon ng mabisang ugnayan sa iba pang bahagi ng ating karanasan"; at sa "instrumentalismo" ni Dewey, ang pangangatuwiran at ang pag-uusisa o pag-alam (inquiry), bukod sa mahigpit na paggamit ng lohika, ay itinutuon sa "mga bagay/kalakal at pinapahalagahang kasiyahan" (goods ang valued satisfactions)].


Sayang at hindi niya muna inanalisa ang Pantayong Pananaw at ang Bagong Kasaysayan na lumitaw mula rito. Iyan ay isang gawain ng isang tunay na Propesor. Kung nagbigay siya ng katiting man lamang ng pagsusuri ng PP at BAKAS, baka nagkaroon siya ng kaunting kaliwanagan [marami nang sulatin at libro na dapat basahin tungkol dito na sana'y nabigyan niya ng kaunting panahon, dahil gawain ito ng isang tunay na guro] at nabigyan din niya ng liwanag ang kanyang mga mag-aaral kahit na sa pragmatismo bilang pilosopiya at posibleng batayan ng pagsasakasaysayan, isang gawaing kapanagutan ng isang nagtuturo sa alinmang unibersidad.

Nasaan sa lahat ng iyan ang "hindi pragmatiko" sa PP at Bagong Kasaysayan. Wala bang lohika ang pag-alam/pagsusuri/pag-uusisa? Ginawa/ginagawa ba ito na hindi inaalintana ang maaaring kalalabasan ng pagdadalumat? Mahaba ang maaaring diskusyon tungkol dito. Ang pinakaimportante ay mayroon bang halimbawa ang titser mo ng isang "kasaysayang pragmatiko"? Maipaliliwanag niya ba ang kanyang halimbawa ayon sa mga ideya nina Peirce, James at Dewey?

Kung sa bagay, hindi naman kailangang maging bahagi ng Pragmatismo ang PP at BAKAS. Pilipino ito habang ang pragmatismo ay Amerikano. Inilahad ko lang ang nasa sinundan nitong parapo upang ipakita na hindi siguro ginampanan ng iyong titser ang kanyang kapanagutan bilang titser. Reaksyon din iyon sa tila pagsasawalang-katuturan ng ating pagsisikap.

1 comment:

  1. Ito ay sagot sa katanungan ko hinggil sa pahayag ng aking guro na si Prop. McDonald Domingo Pascual hinggil sa pagiging hindi pragmatiko na Pantayong Pananaw. Sa mas malawakang pagtalakay pa, marapat na bisitahin ang

    http://zasalazar.multiply.com/guestbook

    ReplyDelete