Saturday, September 18, 2010

Sagutan sa Bahay-Dagitab

SINULAT NI ROLAND NOONG IKA-12 NG SETYEMBRE

Hinihintay ko rin yung tugon ni Dok Lily Mendoza. Minsan ko na kasi siyang natanong ng parehong tanong.

Ito po ang tinakbo ng aming talastasan:

Roland Abinal Macawili Setyembre 01
Magandang araw po, Dok Mendoza.

Itatanong ko lamang po kung maaaring gamitin ang mga pananaw ni Frantz Fanon kung ang tatalakayin namin ay ang pagbuo ng identidad na Pilipino ng mga Ilustrado gamit, bilang source, ay ang mga nasulat nina Jose Rizal, Isabelo delos Reyes at Paterno.

Ano pong aklat niya ang maaaring gamitin kung gayon?

Maraming salamat po.

Lily Mendoza Setyembre 02 nang 1:06 AM
Hi Roland, paki-describe ang proyekto mo--ano ang gusto mong i-argue o gawing thesis? Kasi mahirap sagutin ang tanong mo ng walang ibang datos. Para sa akin kasi, kahit ano o sino puwedeng gamitin kung makakatulong sa gusto kong gawin. Mukhang gusto mong i-theorize and pagkaPilipino ng mga Ilustrado--bakit mahalagang gawin ito? Ano ang "stakes" para sa iyo? Anong argumento ang gusto mong gawin gamit ang mga nasulat nina Rizal, delos Reyes at Paterno? Kailangan kong malaman ito bago kita masagot, kung makakatulong man. Ingat.

Roland Abinal Macawili Setyembre 02 nang 7:09 PM
Magandang Araw po, Dok Mendoza.

Sa pagbabasa ko ng mga aklat sa kasaysayan, gayundin ng mga aklat ni Rizal, nabuo ang palagay ko na maaaring nais ni Rizal bumuo ng isang Pagkakakilanlang Pilipino. Makikita po ito sa kanyang paggugumiit ng naturang bayani sa edukasyon bilang pangunahing pangangailangan bago makamit ang paglaya sa Espanya at pagsasarili, gayundin ang paggugumiit niya sa kadakilaang pre-kolonyal ng mga sinaunang Pilipino (na makikita naman sa kanyang anotasyon kay Morga at sa kanyang artikulong "Sobre la Indolencia delos Filipinos).

Gayundin ang mga etnograpikal na pag-aaral nina delos Reyes at Paterno na naglalarawan sa pamumuhay ng sinaunang Pilipino, makikita rin ang paghahayag ng umano'y pagkakaroon ng mga Pilipino ng isang sibilisasyon bago pa ang pagdating ng mga Kastila.

Ngayon, ang kanilang mga sinulat ay pawang reaktibo sa kung ano ang sinabi ng mga naunang kronista at misyonerong Kastila hinggil sa sinaunang lipunang Pilipino. Tripartite nga ika ni Zeus Salazar. Isa pa rito, oo nga't reaktibo sila gayumpaman, ginamit nila ang mga pamantayan at wikang Kanluranin upang unawain kanilang mga paksa (ang kadakilaang prekolonyal ng mga Pilipino). Maibibigay na halimbawa ang kritik ni Schumacher sa akda ni Paterno. Sinasabi ni Paterno na madaling nakapasok ang kristyanismo sa Pilipinas sa kadahilanang may bahid na umano ng pagiging Kristyano ang sinaunang pananampalataya. May banggit rin dito si Resil Mojares.

Ngunit ang kanilang iskolarsyip ay kumakatawan lamang sa edukasyon kanilang tinamasa, at sa pag-unawa nila sa reyalidad na ibinunga nito, sa kabilang banda. Sasalungguhitan namin ang mga identidad na Pilipino ayon sa kanilang mga obra. Mula rito'y nais naming i-argyu na sa pagnanais ng mga Ilustrado sa libertad at independensya, mas mahalaga sa kanila ang bumuo muna ang iisa at homogenous na pagkakakilanlang Pilipino ng siyang magiging sandalan ng national consciousness. Obyus ito sa paggamit ni Rizal ng terminong "Filipino" bilang katawagan sa lahat ng nananahan sa Sangkapuluan, at ang pagtatangka ni delos Reyes ng isa-Ilokano ang Pilipinas (na siyang dahilan ng pagpuna sa kanya ni Rizal).

May nakapagsabi lamang po kasi sa akin na tuon ng pagteteoryang post-kolonyal ang pagtalakay sa pambansang identidad. Nais ko lamang alamin kung maaaring gamitin ito sa pagtalakay ng aming tesis. Ngunit hindi pa rin namin kakalimutan na Pantayong Pananaw ang balangkas namin. Kung maaari nga e, paghugpungin ang PP at Teoryang Postkolonyal, ahehe.

Maraming Salamat po.

TUGON NI ZAS, SINULAT NOONG IKA-14 NG SETYEMBRE

Ang aking nakikita kina Frantz Fanon at Edward Said ay kapwa sila nagsulat sa wika ng kolonisador at kapwa rin sila reaktibo sa mga Kanluranin. Isa pa: kapwa sila may kaalaman sa kulturang Pranses, si Frantz Fanon ay mas malalim ang kaalaman dito. Pagkakaiba nila ang pangyayaring Palestino si Said na tinatagurian ang sarili na eksilo mula sa "tinubuang lupa" (ang Palestina) ngunit nabuo sa Ehipto sa mga eskuwelahang Kanluranin (partikular Pranses) at nagkaroon ng career pang-akademiko sa Amerika. Si Fanon naman ay mula sa Martinique; tulad ng kanyang mentor na si Aimee Cesaire Pranses si sa kultura, laluna't nakumpleto ang lahat ng kanyang pag-aaral sa Pransya at ang kanyang tunay na wika-at-kultura. Sa kabila nito nakita niya ang epekto ng rasismo sa mga Itim at sa kanyang Peau noire, masques blancs nakita niya ang epekto ng wika sa sikolohiya at sikatriya. Tulad ng makikita sa pamagat ng libro maaari ngang itim ka sa balat ngunit ang kultura mo ay puti (sa kaso ni Fanon, Pranses dahil sa katunayan maraming mga kultura ang mga puti na magkakaiba ngunit ang aktuwal na iginigiit nga sa bawat isa sa mga kulturang ito kapag may mga itim ay ang kulay ng balat). May sinasabi ring ganito ang mga Blacks sa U.S. na puti sa loob bagamat itim sa labas. Sa kabila ng lahat, wala talagang nagawa si Fanon patungkol sa kanyang pagiging Pranses (puti) sa kultura sa kabila ng kanyang pagiging itim (sa katunayan tatlong sangkapat siyang itim dahil ang nanay niya ay mestisa). Ang tanging nagawa niya ay ang pagiging rebolusyonaryo LABAN sa kolonyalismong Pranses ngunit hindi sa Martinique kundi sa Algeria. Patungkol sa iyong problema sa identidad (kakanyahan) ano nga ba, sa palagay mo, ang kanyang naging identidad? NAKITA NI FANON ANG PAGKAKAUGNAY NG IDENTIDAD SA WIKA NA SIYANG NAGDIDIKTA SA KULTURA NG ISA. BASAHIN MO ANG KAHIT ISANG SALIN NG PEAU NOIRE, MASQUES BLANCS, DAHIL ANG MENSAHE NITO SA SIKOLOHIYA AT SIKATRIYA AY kung ano ang iyong wikan nariyan din ang iyong identidad o kakanyahan. Dito mo siguro maiuugnay ang kasulatan ni Fanon sa PP. Yung ibang nasulat niya ay irelevant; ang problema ng identidad ni Fanon ay siya lamang ang makakaresolba ngunit mula sa labas at ayon sa kanyang sikolohiya, Pranses siya na nagrereak sa pagiging biktima dahil sa kulay ng kanyang balat. Isang buong tesis yan na hindi mo kaya sa kasalukuyan.
Isang nag-uuganay pa kina Fanon at Said ay ang kanilang obra ay nagawa sa loob ng kulturang Kanluranin -- si Fanon sa Pranses at si Said sa Anglo-Amerikano. Ang identidad ni Said ay klaro sa akin na Amerikano, bagamat mayroon siguro siyang sub-kakanyahang Arabo dahil marunong magArabo. Naaactivate lamang ang identidad na ito pag nagsasalita siya ng Arabo sa piling ng mga Arabo. Hayan, mayroon ka nang kaunting ngunguyain pag iuugnay mo ang lahat ng nasabi ko rito sa inyong tesis. Pakibigyan ng kopya nito si Lily at baka mayroon pa siyang maidaragdag. Ingat.

SINULAT NI ROLAND NOONG IKA-15 NG SETYEMBRE

Posible nga ang paghuhugpong ng PP at teoryang Post-kolonyal. Tulad ng dati, maraming salamat Dok.

TUGON NI ZAS, SINULAT NOONG IKA-15 NG SETYEMBRE

Pwede siguro, ngunit pangkami ang pananaw nina Said at Fanon dahil kapwa sila reaktibo dahil, sa kaso ng una, sa pagtingin ng Kanluran sa mga Arabo (bilang "babaeng sibilisasyon") at sa isinasagawa ang reaksyon sa isang wikang Kanluranin; at, sa kaso ni Fanon, ganoon din -- reaksyon sa pagtingin ng mga Pranses at isinasagawa ang reaksyon sa wikang Pranses at hindi sa loob ng sariling wika-at-kalinangan (dahil wala na ang bayan niyang pinagmulan. Gayundin si Said, wala na siyang bayan na maaaring pook na pagtutuunan at kauusapin. Kasi, kapwa sila ay wala nang identidad. Kaya ang pantayo ay posible lamang kung mayroon ka pang kakanyahang sarili dahil mayroon ka pang sariling bayan o pook. Kaya ang ginigiit ng mga "postmoderno" ay walang depinitibong pook, na ang pook ng lahat ay pabagu-bago.

SINULAT NI ROLAND NOONG IKA-15 NG SETYEMBRE

Naiisip ko lamang pong gamitin sa pagtalakay ang mga teorya nina Fanon at Said sa kolonyalismo at oryentalismo: una, dahil lumalabas na pareho ng karanasan (na litaw ang pagiging katutubo nila sa mata ng mga kolonisador ngunit akulturado ang kultura) at modo ng pakikipag-usap (papalabas at reaktibo) sina Fanon at yaong mga ilustrado (e.g. Jose Rizal, Isabelo delos Reyes at Pedro Paterno); pangalawa, nais naming salungguhitan ang 'sagutan' ng mga nilalaman ng mga aklat na aming susuriin (sampu ng mga pagkakakilanlang Pilipino na iginigiit nila) at ng mga tala ng mga naunang misyonero dito sa Pilipinas (e.g. Pedro Chirino, Gaspar de San Agustin, at Colin).
Sa pangalawa’y lilitaw (aking inaasahan) ang pagtanggap o pagtanggi nina Rizal sa mga pagkakakilanlan itinatalaga ng mga Kastila sa mga sinaunang Pilipino. Magagamit dito marahil ang oryentalismo ni Said na tumatalakay sa kaalamang Kanluranin hinggil sa ‘Silangan’ na hindi naman nakabatay sa katunayan o realidad kundi sa mga archetype na nagtuturing sa mga lipunang sa ‘Silangan’ bilang magkakahawig o magkakapareho lamang at sa gayon ay naiiba nga sa mga lipunan sa Kanluran (sa kaso nga ni Paterno, tila iminumungkahi na ‘magkahawig’ o ‘magkatulad’ ang Bathalismo at Kristyanismo kaya sasabihin niyang ito ang dahilan ng madaling pagkapasok ng pangalawa sa kapuluan).
Gayon din, masasabing ang ‘proyekto’ ito ng mga ilustrado na unawaing muli ang kasaysayang Pilipino at pag-uugat ng pagkakakilanlan/identidad/kakanyahan dito ay bahagi lamang ng isang mas malaking hangarin – ang pagtatamo nga ng independencia at pagtatatag ng Patria o Nacion. Sa puntong ito, maaari namang talakayin na ang Dambuhalang Pagkakahating Pangkalinangan.

TUGON NI ZAS, SINULAT NOONG IKA-16 NG SETYEMBRE

Roland: oks naman ang iyong naisip. Ngunit maiuugnay man ang kaisipan nina Fanon at Said sa PP, pangkami ang sa kanilang pananaw ngunit wala silang pook pangkalinangang mababanggit dahil napadpad nang tahasan ang isa (Said) sa New York at ang isa naman (Fanon) kumontra nga laban sa kolonyalismong Pranses ngunit sa pook na iba (Algeria) sa kanyang pinagmulan. Isang uri ito ng alyenasyon at ang alyenasyon nila ay nasasalalay sa unibersalismong naitakda ng Kanluran sa kanilang diwa dulot ng kanilang pagkahigop sa (isa o mga) kultura nito. Mas ispesipiko sina Rizal, de los Reyes at Paterno dahil tinutukoy nila (bagamat, liban kay de los Reyes, hindi sila lubusang nakabalik dulot ng kanilang pagiging Kastila na talaga sa kultura). Samakatuwid, ang talagang pinaghahambing ninyo ay reaktibong pananaw ng tatlong Pinoy at ng dalawang banyaga; at mas nauna sa panahon ang tatlong hispanisadong Pinoy. Pinakamalayo sa pagkataong taal sa Pinoy si Paterno; nasa gitna si Rizal; at pinakamalapit si de los Reyes dahil pati na ang pagkataong Iloko ay kanyang sinuri. Tingnan ninyo ang pagkakaiba ng pagtingin nina de los Reyes at Paterno sa relihiyong dati ng mga Pinoy: malaki ang pagkakaiba at si de los Reyes ay naging isa sa mga tagapagtatag ng simbahang Aglipayano.

No comments:

Post a Comment