Monday, April 25, 2011

Ang Anotasyon ni Rizal sa Sucesos de las Islas Filipinas at Pagbuo ng Pagkakakilanlan

ANG SULIRANIN NG PAGKAKAKILANLAN

We are a paradox even to ourselves. The cliché question of identity,
for instance, bedevils many of us, not because we are unsure of
ourselves but because we cannot, to our own satisfaction, define ourselves.

Itinuturing na suliraning panlipunan, gayundin sa kasaysayan at agham panlipunan ang kalituhan at/o kakulangan sa pagpapakahulugan sa pagkakakilanlan. Sino ang mga Pilipino?Ang hindi pagkakaisa ng mga pangkat etnolinggwistiko hinggil sa pagkakakilanlan ay pangunahing dahilan umano ng kawalan ng matatag na estado. Maibibigay na halimbawa dito ang patuloy na paggigiit ng ilang Muslim na sila ay kasapi sa Bangsa Moro at hindi ng estado na kinakatawan ng ating pamahalaan.
Wika pa nga ni Prop. Teodoro Agoncillo, “It is difficult, if not impossible, to define what a Filipino is.” Kaya naman, sa kanyang pagtalakay sa ‘pagkataong Pilipino’ minarapat na ihiwalay na lamang ang mga katangian na, ayon sa naturang mananalaysay, taal sa mga Pilipino mula sa mga yaong napulot buhat sa pakikisalamuha sa mga mananakop (Kastila at Amerikano). Tinatalakay niya ang mga katangiang sa tingin niya ay pangkalahatan sa mga Pilipino, pati na yaong mga katangian ng mga Pilipino mula sa iba’t-ibang rehiyon sa bansa na magkakaiba at minsan ay magkakasalungat – mga katangiang dinulot ng mga pagkakaiba-iba sa milyu at kapaligiran.
Sa kasalukuyan, ang suliraning ito ay siyang pilit na binibigyang lunas ng kapantasang Pilipino. Ang pagsasaPilipino ng agham panlipunan at pantao (Sikolohiyang Pilipino, Pantayong Pananaw, Pilipinolohiya) na hangad ang pag-unawa sa pagkataong Pilipino sa pamamagitan ng paggamit ng mga dalumat na nagmula sa loob ng wika-kalinangan at/o lipunan na pinag-aaralan vis-à-vis sa mga dalumat na nagmula sa labas nito, gayundin sa paggamit ng wikang Pilipino. Tingnan halimbawa ang mga layunin ng bawat isa sa mga eskwelang pangkaisipan na ito na hayag sa kanilang mga kahulugan. Ang Pantayong Pananaw ay ang metodo at pilosopiya ng historiograpiyang Pilipino na may layuning iakda ang kasaysayan ng bayang Pilipinas mula sa punto de vista ng mga Pilipino. Bilang metodo tinutukoy nito ang pagbuo ng isang talastasang nagmumula sa loob (ng isang pamayanan) at patungo sa loob nito.
Para sa Pilipinohiya, pinakahulugan ito ni Salazar bilang “pag-aaral ng Kapilipinuhan, pagkaPilipino, at mga anyo’t paraan ng pagpapakaPilipino.” Ang Sikolohiyang Pilipino naman ay ang pagsasakatutubo ng sikolohiya na pagnais na baklasin ang ideya na mapanglahat (universal) ang sikolohiya mula sa Kanluran at kasabay nito ay ang pagbuo ng sikolohiyang nagmumula ang karanasan at likas na pananaw at pagdama ng mga Pilipino gamit ang wikang Filipino.
Sa pagbubuo ng pagkakakilanlan, mahalagang bigyang pansin ang mga sinasabi o katangiang itinatakda ng iba, o pagkakakilanlan-mula-sa-Iba. Malinaw naang kabuuang binibigyang katangian at/o pagkakakilanlan ay isang kolektibong obhetong humaharap o nasa ilalim ng tingin at pagmamasid ng Iba, at ang salalayan ng mga itinatakdang pagkakakilanlan ay ang kategoryang nakaugat sa lengguwahe-kultura ng nagtatakda. Mula rito, mababanaag ang konsekwensya na ang itinatakdang identidad ay maaaring hindi ‘tumpak’ at samakatuwid ay taliwas sa pinaniniwalaan ng kabuuang pinagtatakdaan. Ang ‘katumpakan’ na binabanggit dito ay nakabatay sa kung ano nga ang iniisip at pinaninindigan ng isang kabuuang pangkalinangan na pagkakakilanlan nito. Ang katumpakan ng itinatakdang pagkakakilanlan ay nakadepende sa pagkasapul nito sa kung ano naman ang iginigiit ng isang pangkat, lipunan, o kalinangan.
Alam na natin mula sa kasaysayan na ang pagtatakda ng identidad ay naging instrumento upang palawigin ang proyektong mapanakop ng mga kolonyalista at imperyalista, kung hindi man upang isalehitimo ang pananakop at kalaunan ay ‘pagsasasibilisado’ ng mga pagano at umano ay barbaro, na dapat pang ipagpasalamat ng huli. Ginamit ito upang ikondisyon ang ulirat at kamalayan nang sa gayon ay mapigilan ang pag-aaklas o tuluyang paghihimagsik ng katawan ng mga sakop. Malinaw ito naisakatuparan ng mga Kastila at mga Amerikano sa pamamagitan halimbawa ng diskurso, mga aklat, at maging ang fotograpiya. May mga pag-aaral na hinggil dito, ngunit isang bagay ang mapagsasang-ayunan – ang paggamit ng mga ‘ebidensyang siyentipiko’ na susuporta sa itinatakda at iginigiit na pagkakakilanlan upang lumikha ng metaphor na mahirap nang pasinungalingan.
Ang mga mananakop ang mag-aakay sa mga sinasakop tungo sa pag-unlad, sa tunay na pananampalataya (kaliwanagan), at ‘civilizacion’. Kakabit na rin ng pagkakakilanlan ang pagiging kapakinabangan o bilang dahilan ng pagpapahirap sa isang pangkat. Malinaw para sa mga indio ang naging gamit (utility) ng kanilang pagkakakilanlan. Minsan nang sinabi ni Miguel Lucio de Bustamante na hindi kailanman matututo ng Kastila at magiging sibilisado ang mga Indio. Dagdag pang panghahamak mula sa paring ito ang sinabi niyang, “Ang mga Kastila ay Kastila magpakailanman, at ang mga indio ay mananatiling indio magpakailanman…bihisan man ang unggoy ay mananatiling unggoy ito, at hindi tao”.
Gayumpaman, bahagi na ng reaksyon ng mga pinagtatakdaan ng pagkakakilanlan ang sumagot sa mismong pagtatakda, maaaring sa modong pasang-ayon o pagpapasinungaling. Ito ngayon ang siyang bibigyang pansin ng pananaliksik, ang reaksyon na nasa anotasyon ni Rizal ng Sucesos.Si Rizal bilang bahagi ng isang kabuuang pinagtatakdaan, at si Antonio de Morga bilang mangongolonisa. Ang buong diskurso ng Sucesos at anotasyon ay sagutan sa pagitan ng isang mananakop/nagtatakda at isang sinasakop/naggigiit. Sa mga naunang pagtalakay natukoy kung para kanino sinulat ang akda, at ito ay para sa mga Pilipino.

ANG SUCESOS DE LAS ISLAS FILIPINAS
Ang aklat na ito ay nauna nang nailimbag sa Mehiko noong 1609. Naglaan si Rizal ng panahon sa pagbasa sa Museo Britaniko ng mga tala at kasaysayan sinulat ng mga kapanahon ni Morga tulad nina Fr. Colin, Fr. Angensola, Fr. Plasencia, Fr. Chirino at iba pa. Sa lahat ng mga sinulat sa maagang yugto ng kolonisasyon ng Pilipinas, sa opinion ni Rizal, ang gawa ni Morga ang pinakamahusay. Sa isang liham kay Blumentritt noong ika- 17ng Setyembre 1888, sinabi niya na walang “pagpapaimbabaw at pagmamalabis” na makikita sa nilalaman ng Sucesos, bagamat binalalaan ang kaibigan ng pag-iingat sa pagbasa nito.
Ang edisyon ni Rizal ng Sucesos ay nilimbag sa Pransya. Ang prologue nito ay sinulat ni Blumentritt sa kahilingan na rin ni Rizal. Dito pinuri ng Aleman ang ilang bahagi ng iskolarsyip ni Dimasalang. Una, ang pagbanggit sa mga bagay na hindi nabigyan ng atensyon ng mga Europeo, mga bagong pananaw na nagbigay pagpahalaga sa mismong akda. Hindi rin nakawala, gayumpaman, sa pamumuna ang anotasyon ni Rizal. Una na rito ang pag-unawa di-umano ni Rizal sa mga pangyayari gamit ang mga pamantayan ng kanyang panahon; pangalawa, ang panlilibak niya sa simbahan ay hindi makatarungan at hindi mapatutunayan sapagkat ang mga pang-aabuso ng ilang prayle ay hindi nangangahulugan ng kasamaan ng kabuuan ng simbahan. Gayumpaman, wika pa ni Gregorio Zaide, ang buong anotasyon ni Rizal ay maituturing na kahanga-hangang bahagi ng historyograpiya.
Sa paunang salita, isa sa mga layuning ibinigay ni Rizal sa paglapat ng anotasyon ay ang “pukawin ang kamalayan hinggil sa nakaraan” ng mga Filipino. Ang layuning ito ay mahalaga sa pagpapalagay na upang makabuo ng pambansang pamayanan o pagkakakilanlan ay kailangan ang “pambansang tradisyon” na magsisilbing “bigkis”.Isa pang layunin ay ang paglansag sa ideya ng inferioridad ng mga Filipino. Napatunayan ni Rizal sa pamamagitan ng anotasyon at ng mismong Sucesos ang pagkakaroon ng sibilisasyon ng mga Filipino bago pa man dumating ang mga Kastila. Mayroon na silang sistema ng pagsulat, uri ng pamamahala, batas, pagsulat, literature, relihiyon, sining, agham at pakikipagkalakalan sa mga kapit-bansa.
Sa opinyon ni Miguel de Unamuno, nais ni Rizal ang pagbabalik ng isang sibilisasyon Tagalog. Ang pagnanais na ito ay dinulot ng hangarin tungo sa patriyotismo at nasyonalismo. Isang puna naman ang binigay ni Jose Baron Fernandez kaugnay sa layunin ng paglalapat ng anotasyon sa Sucesos. Wika ng doktor, ang gawang ito ay dulot ng simbuyo ng idealismo sa panahon ni Rizal at paminsan-minsan ay lumabis sa totoong iskolarsyip.
Gayumpaman, hindi nabigyang-pansin ang akda ng karamihan sa mga Pilipino sapagkat ito ay natabunan ng popularidad ng dalawa niyang akdang Noli at El Fili. Masasabing isa ding kadahilanan kung bakit hindi ito naging popular ay ang pagkakaroon ng sensura nang panahong iyon. kinumpiska ng pamahalaang Espanya at sinunog ang mga kopya ng Sucesos, dahil sa pangyayaring ito ang libro ay masasabing bibihira lamang mahanap o kung hindi man wala talagang mabibili nito sa kapuluan.

KATUTURAN AT PAGBUBUO
Sa pamamagitan ng anotasyon, nilansag ni Rizal ang ortodoksiya ng ilang manunulat na Kastila na dapat magkaroon ng utang na loobang mga Filipino sa mga Kastila dahil sa ‘paggabay’ nito sa una tungo sa kaunlaran at kaliwanagan. Ang akda ring ito ay nagsilbing lehitimasyon ni Rizal sa anumang maaaring hakbang ng mga Pilipino laban sa mga Kastila. Ang pangakong kaunlaran at kaliwanagan ay hindi natupad, kaya naman may karapatan ang mga Filipino na bawiin ang kalayaan na inagaw ng mga Kastila. Makikita ito sa tatluhang panahunang pananaw na tema ng pagsasakasaysayan ng mga Ilustrado. Itinuring niya ang Pilipinas na dumaan at dadaan sa mga yugto ng pagbabago at kaganapan – unang liwanag na tumutukoy sa kasaganaan at kabihasnang Pilipino bago ang pagdating ng mga Kastila; ang dilim na siyang tumutukoy sa paghihirap na dinanas sa kamay ng Espanya; at ang muling liwanag na tatamasahin ng kapuluan kung makalalaya sa kolonyalismo.
Sa kabilang banda, ang anotasyon ni Rizal ay nagwasak sa mito na nilikha ng Divide et Impera. Mapangangalawahan ito sa mismong paggamit ni Rizal ng Filipino bilang pantukoy sa mga naninirahan sa kapuluan anuman ang lahing kinabibilangan. May pag-aangkop ng kahulugan sa naturang anotasyon. Hindi ginamit ni Morga ang salitang ito upang tukuyin ang mga naninirahan sa Pilipinas bago ang kolonisasyon, mas malimit na gamitin ang indio. Kaya naman masasabing sinonimo ang Filipino at indio sa pagturing ni Rizal. Sa mismong paggamit ng naturang kataga, mahihinuha ang paniniwala ni Rizal na sa panahon bago ang kolonyalismo ay dumaan ang kapuluan sa isang proseso tungo sa pagbubuklod (integration). Ito naman, sa kabilang banda, ay sa pamamagitan ng pagtalakay niya sa pagpapalitang kultural at ugnayang ekonomiko ng mga pangkat etnolinggwistiko sa bansa.
Maaalala na binatikos ni Rizal ang kawalan ng pambansang sentimyento o nasyonalismo ng mga mamamayan sa Pilipinas. Ilang mga kilusang makabansa ang lumilikha pa o nagpapaunlad ng mga pagkakakilanlan na hindi napapansin at walang impluwensya sa buhay ng karamihan (thickening identity). Ang nasyonalismo, dagdag pa rito, ay naggugumiit na mayroong tiyak na pagkakatulad – kultural man o iba pa – sa loob ng populasyon na dapat maging batayan ng pagkakaisang pulitikal. Ito ang tinupad ng anotasyon ni Rizal sa Sucesos. Sa pamamagitan ng pagbabalik-tanaw sa kasaysayan, sa kalinangan at kabihasnang Filipino – ito ay daan upang mapagtanto ng mga Pilipino na mayroon ngang pagkakatulad sa kanila na magiging batayan ng kanilang mulingpag-iisa tungo sa iisang komunidad na pambansa at Pilipino ang katangian. Mahalaga sa pagbuo ng pagkakakilanlan ang hangarin ng isang ahente. Siya ang magbubunsod ng pagkakaroon ng kolektibong hangarin na magdudulot naman ng kolektibong pagkilos. Minsan pa nga, ang hangarin ng mismong ahente ang lumilikha ng kamalayan ng isang komunidad. Ito ay kahanga-hangang ugnayan sa pagitan ng tao at komunidad. Ang pagpapahayag ng tao ng kolektibong hangarin ay naging dahilan para sa komunidad na matanto ang mismong hangarin.
Bahagi ng tangkang pagbuo ni Rizal ng pambansang pagkakakilanlan ay ang pagbalik-tanaw sa kasaysayan ng Pilipinas. Imbes na magsulat ukol sa kasaysayan ng Pilipinas noong ikalabin-anim na dantaon, ginawa niya ito sa paglapat ng anotasyon at paglimbag ng sariling edisyon ng Sucesos de las Islas Filipinas ni Antonio de Morga.
Lampas sa kanyang edisyon ng Sucesos, maraming akda si Rizal na may ganito ring tema. Halimbawa na nito ang Sobre la Indolencia de los Filipinos. Ayon nga kay Floro Quibuyen, isang suliranin para sa mga Kastilang kolonisador ang idinulot ng pagsusulat ni Rizal hinggil nakaraang prehispaniko ng mga Pilipino. Ang mga Kastilang sina Wenceslao Retana at Quioquiap ay sumulat ng mga artikulo at babasahin tungkol sa pagiging ‘walang utang na loob’ ng mga Pilipino. Anila, pagkatapos arugain ng Madre España ang kanyang anak na Pilipinas, laluna sa pamamagitan ng mga prayle, sa paghango nito sa mga indio mula sa panahong barbaro at pagpapakilala sa kabihasnan, ay sa kanila pa sinisi ng mga ito ang dahilan ng kanilang katamaran at hiningi paang pagpapaalis sa mga prayle sa bansa, at ang pinakamalala, ang paghahangad ng mga ito na bumuo ng isang bansa.
Karagdagan pa, sinabi ni Padre Pastells na “Iyang pananaw hinggil sa paghihiwalay ng mga Pilipino sa mga Kastila, na kapag matagumpay na naisakatuparan, ay magmamarka ng hindi matatawarang kawalang utang na loob.” Samakatuwid ang akusasyon ng pagiging tamad ay sinundan pa ng paratang ng pagiging ingrato ng mga Pilipino. Sinasabi ng mga ito na naging matagumpay ang mga kolonisador sa kanilang mission civilisatrice at ang kontribusyon ng mga Kastila sa arkipelago ay hindi masusukat, na kung hindi dahil sa mga Kastila, ang mga katutubo ay mananatili lamang na barbaro, nasa isang ‘di-matapos-tapos na digmaan sa mga kalapit na bayan, at walang kalaban-laban sa ‘despotismo’ ng kanilang mga datu at mananatili pa ring alipin at hinahamak, at sa pagdating ng mga conquistadores, sila ay naligtas.
Sa kabuuan, tatlo ang nakikita na maaaring naging basehan o lapit sa pagbubuo ng pagkakakilanlang Pilipino ni Rizal: 1) ang pagbubuo base sa pinapalagay na pagkakapareho ng kultura at kamalayan na ang pinakamahalagang gawain ay ang paghahanap ng pagkakatulad o ng tinatayang “shared cultural characteristics”; 2) ang pagbubuo base sa pinagdaanang kasaysayan; at 3) pagbubuo base sa nais na makamit na “common good” sa kasalukuyan at hinaharap (na ang pakahulugan ay sama-samang bubuuin).



ANG BISA NG F/filipino SA ANOTASYON
Sa pamamagitan mismo ng anotasyon, sampu ng kasaysayan na tinalakay nito at paggamit ng Filipino bilang katawagang pangkalahatan, masasabi na ang Sucesos ang naging pangunahing instrumento ninais na pagbuo ng pagkakakilanlan.
Mahahati sa ang nais ipahiwatig ng paggamit ni Rizal ng terminong F/filipino. Una, ito ay bilang pamukaw sa kanyang mga kakontemporaryo at maging sa mga kolonisador. Para sa mga kababayan, malinaw na nais sabihin na Rizal na mayroong isang sibilisasyong Filipino bago pa man ang pagdating ng mga Kastila, at walang dapat ipagpasalamat sa mga ito. Papasok sa pangalawa ang pagsira sa epekto ng Divide et Impera. Sa kabila ng pagkaalam ni Rizal ng pagkakaroon ng iba’t-ibang etnolinggwistikong grupo sa kapuluan, mas malimit na gamitin ang Filipino bilang mapanglahat na katawagan sa mga nananahan dito.
Ang bisang panlipunan nga ng edisyon ni Rizal ng Sucesos ay nasa anotasyon nito. Malinaw nga, bagamat di ‘pinansin’ ng kanyang kasamang Ilustrado buhat na rin ng pagkatanyag ng una niyang nobela, ang edisyon niya ng Sucesos ay isang pagtatangka na bumuo ng pagkakakilanlang Filipino, higit pa sa pagiging propaganda na sagutin lamang ang mga paratang ng mga Kastila.

8 comments:

  1. walang footnote? Tila baga ang sanggunian ay pinagdadamot.

    ReplyDelete
  2. Pashare naman po. Ano yung repleksyon ng anotasyon ni rizal sa sucesos delas islas filipinas ni morga?

    ReplyDelete
  3. do you have a pdf of anotasyon ni morga?

    ReplyDelete
  4. meron poba kayung idea about Kung Anu Ang mga paliwanag no Rizal about SA sa book ni morga

    ReplyDelete
  5. Tungkol saan po ang sucesos de las islas Filipinas?

    ReplyDelete
  6. May reflection po kayo about Sa sucrose de Las Silas filifinas PA share naman po

    ReplyDelete